Wednesday, October 28, 2009
KABATAANG PINOY
ALIPATO
Harrel M. Paycana
Editor-In-Chief
YPS Founder
KABATAANG Pinoy?!
Marahil kapag sinabi natin ang katagang “ kabataan ang pag-asa ng bayan” ni Dr. Jose Rizal, kahit mismo sa ating mga sarili ay nagiging isang malaking katanungan ang salitang iyan. Sa makabagong panahon, malaki ang porsyento ng sektor ng kabataan sa Pilipinas. Subalit masasabi ba natin na ang malaking porsyentong ito ang Pag-asa ng Bayan sa kasalukuyan?
Sa kabila ng nararanasan ng mga kabataan, marami na ang bilang ng walang pakialam sa mga nangyayari sa kanyang kinabibilangang sektor at lipunan. Patuloy ang pagdami ng di nakakapag-aral, walang trabaho at nagiging biktima ng ibat-ibang karahasan. Nakakalungkot isipin na nagyayari ito sa atin.
Maraming batas ang nagawa at ginagawa para sa kabataan. Pinagmamalaki ng ilan nating nasa pwesto at pumapasok sa pulitika ang kanilang proyekto at programang pabor sa ating sektor, subalit nasaan? Meron nga ba? Naramdaman ba natin ang implementasyon ng programa?
Sa kasalukuyang kalagayan natin nasaan ang sinasaad sa batas na “the state recognizes the vital role of the youth in the nation building and shall promote and protect their physical, spiritual, intellectual and social well-being” Art. 11 Sec. 13. Malinaw ang nakasaad sa batas, pero naramdaman mo ba na may proteksyon ka pala? Sa mungkahi ng Constitutional Commission (ConCom) at marahil sa utos na rin ng nasa kasalukuyang pamahalaan na ang nasabing batas 1987 Art.11 ay tuluyan nang ibasura at palitan ng may pansarilimng interes para sa edukasyon at karapatan nating mga kabataan.
Pagmasdan mo ang mga kapwa natin kabataang sumasama sa mga Rally na ang layunin ay makiisa sa malawakang panawagan ng pagbabago sa bulok na sistemang umiiral sa kasalukuyan. Sila mismo ay nagiging biktima ng mga pananakit at di pantay na pagtrato tulad halimbawa ng maling hakbang sa dispersal sa rally at bansagan kang terorista o kumunista.
Nakakatuwang isipin sa kabila ng lahat na may batas na nagbibigay ng proteksyon dito sa ilalim ng Art. 111 Sec. 14 nakasaad dito “no law shall be passed abridging the freedom of speech, of expression, or of the press, or the right of the people peaceably to assemble and petition the government for redress of grievances” mali bang manawagan ka? Ang maliliit na tinig pag pinagsama-sama ay nagiging parang isang kidlat na naririnig ng sambayanan. Tulad ng libo-libong tinig na pinag-isa ng mga kabataan upang marinig ang kanilang hinaing. Subalit ang kakarampot na kalayaan at karapatan ay pilit pa ring inaagaw at ipinakakait ng makasariling nasa katungkulan.
Samakatuwid, balewala na ang Art. 11 Sec. 23 “the state shall encourage non-governmental, community based or sectoral organization that promote the wefare of the nation” para saan ba ang kanilang ginagawa? Di ba para sa bayan? Dahil ang bumubuo ng bayan ay ang malaking bilang ng mamamayan hindi ng iilan lang. sino ba ang may malaking naitulong para sa bayan, diba tayo na nasa sektor ng mga kabataan? Malaki ang ginampanan nating papel para sa pagbabago ng bulok na sistema at maduming pamahalaan. Maraming dapat itama tayo ang susunod na henerasyon, huwag nating hayaan na mawalan ng saysay ang ating pinaglalaban.
Imulat natin ang kapwa natin, imulat sila sa tamang landas at sa reyalidad, sama-samang kumilos kaya nating magtagumpay upang di mawala ang sektor ng kabataan na siyang magtatangol at magbabantay sa ating karapatan at kalayaan. Marami nang batas, gamitin natin ito sa tamang pamamaraan at sa interes ng mas nakararami . Pagod na tayong magpasakop sa mga taong may pansariling interes , huwag tayong magpakasira sa maling pananaw sa buhay. Simulan natin ang pagbabago sa ating mga sarili. Isulong at ipaglaban ang kapakanan ng mga kabataan tungo sa pag-unlad ng lipunan para sa tunay na pag-asa ng bayan.l mabuhay KABATAANG Pinoy!.
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment